Ginunita ng Lungsod Quezon ang ika-147 anibersaryo ng kapanganakan ni Pangulong Manuel Quezon ngayong araw.
Nag-alay ng bulaklak sa dambana ng dating pangulo ang lokal na pamahalaan, sa pangunguna nina Mayor Joy Belmonte at Vice Mayor Gian Sotto, kasama ang kaanak ni Quezon na si Yael Buencamino Borromeo, ang Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP) at Quezon City Division Federation of Supreme Secondary Learner Government.
Sa kanyang talumpati, hinimok ni Mayor Joy Belmonte ang mga kabataan na manguna sa pagbabago, para sa tuluyang umunlad ang bansa, at umasenso ang pamumuhay ng mga mamamayan.
Bilang pangunahing tagapagsalita, binigyang-diin naman ni Quezon City Division Federation of Supreme Secondary Learner Government President Camilla Jean Zabala ang kahalagahan ng wikang pambansa. Hinikayat niya rin ang mga kapwa niya kabataan na palakasin pa ang Wikang Filipino, sa pamamagitan ng paggamit nito sa mga diskurso at maging sa media.
Dumalo rin sa paggunita sa ika-147 anibersaryo ng kapanganakan ni Quezon ang mga konsehal ng QC Council, mga department head, mga kinatawan ng barangay, national government, non-government at people’s organization, at pribadong sektor.








