Bukod sa pagiging Ama ng Wikang Pambansa, kinikilala rin bilang Ama ng Katarungang Panlipunan si dating pangulo Manuel Luis Quezon!
Sa ika-148 anibersaryo ng kapanganakan ni Quezon, binigyang-diin ng lokal na pamahalaan kung paano rin niya isinulong ang kapakanan ng mga manggagawa.
Sa ilalim ng pamamahala ni Quezon, naipasa ang iba-ibang social justice laws kabilang ang pagtatakda ng walong oras na work hours (Commonwealth Act No. 444), at pagtatalaga ng daily minimum wage standards para sa mga kawani ng gobyerno (Commonwealth Act No. 211).
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, ito ang naging sandigan ng pamahalaang lungsod para patuloy na maiangat ang antas ng pamumuhay ng bawat QCitizen at kanilang pamilya, sa pamamagitan ng pagbibigay suporta at accessible na oportunidad sa kanila.
Bilang panauhing tagapagsalita, kinilala naman ni Atty. Sonny Matula, tagapangulo ng Federation of Free Workers, ang Quezon City Government sa pagbibigay ng dignidad sa katayuan ng informal workers, at mga polisiya at programang nakatuon sa mga mangaggawa.
Nakiisa rin sa pagdiriwang sina Majority Floor Leader Coun. Aly Medalla, Coun. Doray Delarmente, at Coun. Cocoy Medina.
Nag-alay naman ng bulaklak sa dambana ni Quezon ang iba-ibang national at local government agencies, at civil society organizations.










