Kinilala ang Quezon City Government bilang isa sa mga pinakamahusay na lungsod (Highly Urbanized Cities Category) sa Pilipinas sa pagbuo ng epektibo at napapanahong programa para sa Early Childhood Care and Development, sa ginanap na 1st Gawad Edukampyon Awards ngayong umaga.
Tinanggap ng Social Services Development Department sa pangunguna ni SSDD Chief Fe Macale ang award mula sa Department of Education, Early Childhood Development Council, Center for Local Governance and Professional Development Inc., at Rex Book Store Inc.
Ibinida ng QC ang mga inisyatibo at proyekto nito upang masiguro na matututo ang mga bata edad tatlo hanggang apat sa kabila ng pandemya.
Katuwang ang mga child development worker at magulang, tinitiyak ng lungsod na ang bawat naka-enroll sa day care ay nakakatanggap ng picture books upang malinang ang galing ng bata sa pagbabasa. Sinisiguro ring tuloy-tuloy ang pagkatuto ng mga bata sa pamamagitan ng mga online learning activities.
Tinitiyak din ng QC na nasa wastong nutrisyon ang bata sa pamamagitan ng regular na konsulta at check-up, at pagbibigay ng masusustansyang pagkain sa tulong naman ng community feeding program.









