Aabot sa 37 workers’ organizations mula sa Lungsod Quezon ang lumahok sa ginanap na 1st QC Workers’ Conference na pinangasiwaan ng Public Employment Service Office (PESO) sa Aberdeen Court.
Layon ng 2-day workers’ summit na mapalalim ang kaalaman ng mga manggagawang QCitizens sa Social and Solidary Economy (SSE).
Ang SSE ay alternatibong konsepto ng gawaing pang-ekonomiya na nagbibigay pansin sa kapakanan ng manggagawa, kalikasan at komunidad higit sa kita.
Layon ng pinalakas na boses at pagtutulungan ng iba-ibang organisasyon at sektor ang maisakatuparan ang sustainable development.
Ang summit ay dinaluhan ng farmers’ groups, overseas Filipino workers, religious sector, vendors, women’s groups, LGBTQIA+ sector, senior citizens, mga kooperatiba at iba pang manggagawa.
Nagsilbing tagapagsalita sila Dr. Rosalinda Ofreneo at Dr. Excelsa Tongson. Nakiisa din sa programa sina Department of Labor and Employment QC Field Office (DOLE-QCFO) Supervising Labor & Employment Officer Raymond Benjamin Perez, SSE Consultant Kristine Calleja, QC Council of Sectoral Representatives Chairman Edilberto M. Adraneda, at PESO Manager Rogelio L. Reyes.