Kasalukuyang dumadalo sa 2025 Open Government Partnership (OGP) Global Summit si Mayor Joy Belmonte sa Vitoria-Gasteiz, Spain.
Ang OGP ay isang global initiative kung saan nagsasama-sama ang mga government at civil society organization upang isulong ang bukas, tapat, at responsableng pamahalaan. Hinihikayat nito ang aktibong pakikilahok ng mamamayan sa pagbuo ng mga polisiya at proyekto, at maging sa paghimay at pagpaplano ng budget.
Sa unang araw ng conference, ibinahagi ni Mayor Joy sa OGP Global Summit ang “Inform Women, Transform Lives” campaign ng Lungsod Quezon at ang tatlong layunin nito.
Una ay ang maipaalam sa mga kababaihan ang kanilang karapatan sa impormasyon at gender-based violence.
Pangalawa ay tulungang mapataas ang kamalayan ng kababaihan sa mga serbisyo ng Quezon City laban sa gender-based violence sa tulong ng QC Protection Center at QC Helpline 122.
Pangatlo ay mapataas ang bilang ng mga kababaihang gumagamit ng mga serbisyong ito.
Kikilalanin sa 2025 OGP Global Summit ang mga pinakamahuhusay na repormang isinumite sa Open Gov Challenge sa pamamagitan ng Open Gov Awards, bilang pagkilala sa inobasyon at pagsusulong ng mabuting pamamahala.










