Nagtipon-tipon ang halos 1,000 cancer advocates, doctors, at policy makers sa 2025 Philippine National Cancer Summit ng Philippine College of Surgeons (PCS) Cancer Commission Foundation sa Novotel Manila sa Cubao.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Mayor Joy Belmonte ang mga mamamayan na magkaisa at magtulungan para matugunan na ang problemang dulot ng cancer.
Tama at sapat na kaalaman at early detection ang susi para matuldukan ang cancer na isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga residente.
Noong 2024, ipinasa ng lungsod ang QC Integrated Cancer Control Ordinance (City Ordinance 3285-2024) na nagtataguyod ng kumpleto at komprehensibong tugon sa lahat ng uri ng cancer.
Pinapalakas nito ang mga programa at inisyatibo ng lungsod laban sa cancer, tulad ng pagpapalawig at pagbababa ng cancer screening programs sa mga komunidad.
Kasama rin ni Mayor Joy na dumalo sa unang araw ng summit sina Philippine College of Surgeons President Dr. Rhoel de Leon, PCS Cancer Commission Foundation Chairman Dr. Manuel Francisco Roxas, at iba pang miyembro at partner ng PCS Cancer Commission.




