Iba-ibang programa at inisyatibo ng lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng malinis at masinop na lungsod ang ibinahagi ni Mayor Joy Belmonte, sa huling araw ng 2026 ASPAP International Conference sa University of the Philippines Diliman.
Sa kanyang keynote address, binanggit ng alkalde kung paano sinisikap ng lungsod na maging transparent at accountable, para masiguro ang maayos at mabilis na serbisyo para sa lahat ng QCitizen.
Itinatag ng QC ang mga programa at inisyatibo tulad ng QC Open Data Dashboard, kung saan makikita ng mga residente ang detalye ng mga programa, at kung paano ginagamit ng lokal na pamahalaan ang buwis ng taumbayan.
Pinapalakas din ng lungsod ang people’s participation, para matiyak na kasali ang bawat mamamayan at sektor, sa pagpaplano hanggang sa pagpapatupad ng mga proyekto.
Ang ASPAP International Conference ay bahagi ng selebrasyon ng Public Administration Week. Bukod kay Mayor Joy, nakiisa rin sa conference sina ASPAP President Dr. Cristina Salvosa, at UP NCPAG Dean at ASPAP Secretary General Kristoffer Berse.










