Sa kabila ng fast fashion at overproduction ng mga damit, sinisikap ng Quezon City na hindi ito mapunta sa landfill at makadagdag sa lumalalang epekto ng climate change.
Ngayong Martes, nakiisa ang Quezon City Government sa ginanap na 2026 National Textile Convention (TelaCon) ng Department of Science and Technology – Philippine Textile Research Institute (DOST-PTRI).
Sa kanyang keynote address, binanggit ni Mayor Joy Belmonte ang mga hakbang ng lokal na pamahalaan para matugunan ang suliranin sa textile pollution, tulad ng pagbubukas ng Kilo/s Kyusi store, Retashow, clothes swap parties, at pagtatatag ng Textile Circularity Hub.
Quezon City rin ang unang local government unit na nagkaroon ng Textile Sustainability and Circularity Ordinance na nagpapalakas pa ng mga inisyatibo sa pagsusulong ng sustainability at circular economy.
Ibinahagi naman nina Quezon City Council Majority Floor Leader Coun. Aly Medalla, Minority Floor Leader Coun. Dorothy Delarmente, at Coun. Vito Sotto Generoso ang iba pang programa at proyekto ng lungsod laban sa textile waste, sa panel discussion ng session 1 ng TelaCon.
Sa temang “Stitching Futures,” layon ng TelaCon 2026 na magsilbing platform para sa mga policymaker, researchers, at leaders para mas maiangat pa ang industriya ng Philippine textiles.








