Binigyang parangal ang Lungsod Quezon para sa programa nitong GrowQC Food Security Program sa ilalim ng kategoryang “Durable Participatory Practices for Ecological Transition” sa nagdaang 23rd Annual Meeting ng International Observatory on Participatory Democracy (OIDP).

Ang OIDP ay isang international organization na kumikilala sa mga organisasyon at programa na nagtataguyod ng participatory democracy o ang makabuluhang pakikilahok ng mga mamamayan sa pagsulong ng mga programang may kinalaman sa pag-unlad ng mga pamayanan.

Bahagi ang GrowQC sa komprehensibong pagtugon ng lungsod sa pagpapabuti ng food systems o ang daloy ng pagkain at paigtingin pa ito sa gitna ng patuloy na banta ng climate change.

Ang parangal ay tinanggap ni Mayor Joy Belmonte sa pamamagitan ng isang video acceptance speech na ipinadala sa mga organizers ng international conference.

Iprinisinta ni Dr. Arch. Giovanni Allegretti mula sa University of Coimbra at Adriá Duarte ng International Observatory on Participatory Democracy ang parangal sa Valongo, Portugal noong ika-18 ng Oktubre 2024.

+4