Sa QC, binibigyang-buhay ang isang makatao at inklusibong komunidad!
Pinangunahan ni Mayor Joy Belmonte ang selebrasyon ng 47th National Disability Rights Day na dinaluhan ng mga person with disability (PWD), kasama ang iba-ibang QC-based PWD organizations at barangay PWD focal persons.
Ibinahagi ni Mayor Joy sa kanyang talumpati ang mga tagumpay ng mga serbisyo ng lungsod, lalo na sa livelihood, social services, at employment, na layong itaguyod ang karapatan ng mga PWD.
Binigyang-diin niyang sa Quezon City, niyayakap at hindi iniiwan ang sektor. Tiniyak din niyang magpapatuloy ang lokal na pamahalaan sa paghahatid ng mga serbisyo para sa kanila.
Sa kanyang mensahe, kinilala ni Akbayan Partylist Representative Atty. Chel Diokno ang papel ng mga barangay PWD focal person at organizations sa pagsisilbing tulay para bigyang boses ang sektor.
Nagpasalamat din si Vice Mayor Gian Sotto sa mga tao at organisasyong kabahagi sa pagsisigurong inklusibo at may pantay na pagtingin at oportunidad para sa mga PWD sa lungsod.
Tinalakay naman ng mga kawani mula PhilHealth at National Council on Disability Affairs ang mga karapatan at iba-ibang programang maaaring i-avail ng mga PWD. May mga booth ding nakibahagi sa selebrasyon, tampok ang iba-ibang serbisyo at programa para sa kanila.
Nakiisa sa selebrasyon sina District 3 Action Officer Atty. Tommy De Castro, District 6 Action Officer Atty. Mark Aldave, at mga city department head.




