Lagi’t lagi, para sa QC, para sa bayan!
Ibinahagi ni Mayor Joy Belmonte ang mga programang handog ng lokal na pamahalaan sa mga QCitizen, sa kanyang 7th State of the City Address.
Ngayong 2025, 54 percent ng 41.3 billion kabuuang budget ang inilaan sa edukasyon, kalusugan, pabahay, at hanapbuhay ng mga QCitizen. Tuloy-tuloy din ang pagtaas ng pondo, nang hindi umuutang o nagtataas ng ipinapataw na buwis.
Sa ikalimang sunod na taon, natanggap ng QC ang unqualified opinion mula sa Commission on Audit; hall of famer bilang Most Business-Friendly LGU awardee, at top LGU sa bansa sa pagkakaroon ng pinakamalaking nakolektang Local Source Revenues mula 2020 hanggang 2024.
Binanggit din ng alkalde ang patuloy na pagpapalawig ng burial assistance at iba pang social services programs, pagsisiguro ng maayos at mabilis na health services, at pagtatatag ng ALERT QC na nagpapalakas sa kakayahan ng mga barangay sa disaster response.
Para maisulong ang transparency, magkakaroon ng QC Open Data Dashboard sa QC E-Services. Dito makikita ang mga datos tungkol sa mga programa ng pamahalaan, tulad sa infrastructure projects.
May ilulunsad ding app na magsisilbing sumbungan o online crowd-sourcing platform ng mga residente. Pwedeng mag-report, mag-reklamo, o magbigay ng feedback sa anumang proyekto ng lokal na pamahalaan na agad ding tutugunan at sosolusyunan.
Ibinida naman ni Vice Mayor Gian Sotto ang mga nagawang polisiya ng Quezon City Council. Sa 22nd City Council, aabot sa 1,487 ordinansa ang naipasa, na nakatutok sa kalusugan, kabuhayan, at edukasyon ng mga QCitizen.
Binigyang-diin din ng bise-alkalde na para makapaglingkod ng tapat, bawat lingkod-bayan ay dapat gawin ang tama, hindi lang sa mata ng kapwa, kundi sa mata rin ng Diyos.
Ang ika-pitong SOCA ni Mayor Joy Belmonte ay ginanap sa QC MICE Center. Dinaluhan ito ng mga opisyal ng national at city government, barangay, sangguniang kabataan, at mga kinatawan ng pribado at non-government organizations.










