Isinagawa ngayong araw ang Children and Youth Summit on Participatory Governance, isang pagtitipon kung saan tampok ang aktibong partisipasyon ng kabataan sa pamahalaan.
Ipinakilala sa 52 youth leaders at iba pang kabataan mula sa Quezon City ang Open Government Partnership (OGP) at kung paano sila maaaring maging katuwang sa pagsusulong ng bukás, tapat, at makabuluhang pamamahala sa lungsod.
Nagkaroon din ng workshop kung saan inilahad ng mga kabataan ang kanilang Actions and Plans para sa pagpapabuti ng lokal na pamahalaan.
Sumasalamin ito sa kanilang malasakit at aktibong pakikilahok sa mga isyung panlipunan.
Hinimok naman ng QC-OGP Local Steering Committee ang mga kabataan na makibahagi sa mga inisyatibo ng kanilang mga barangay, bilang mahalaga ang kanilang gampanin sa paghubog ng mas maayos at inklusibong pamahalaan at lipunan.
Kabilang sa mga dumalo sa summit ang mga kinatawan mula sa Barangay Children’s Association (BCA), Civil Society Organizations (CSOs), at World Vision Development Foundation.
Dumalo rin ang mga kawani mula sa iba-ibang tanggapan ng Quezon City, kabilang ang Social Services Development Department (SSDD), Barangay and Community Relations Department (BCRD), QC Youth Development Office (QCYDO), at Office of the City Administrator (OCA).




