Ipinasara ng QC Business Permits and Licensing Department (BPLD) ang MC HOTEL (Maxmuller, Inc) sa Barangay Novaliches Proper, dahil sa paglabag sa City Ordinance NC-85, S-89, na inamyendahan ng City Ordinance SP-2995, S-2020.
Sa Quezon City, ipinagbabawal ang pagpapapasok sa establisimyento ng mga menor de edad (edad 17 pababa) nang walang kasamang magulang o guardian, at pagbibigay ng inuming nakalalasing.
Base sa report ng Social Services Development Department (SSDD) at PNP- WCPC Luzon Field Unit, Camp Crame, pinayagan ng pamunuan ng MC HOTEL na pumasok ang mga bata sa establisimyento. Hinayaan din silang uminom ng alak na ipinagbabawal sa QC.
Kagabi, na-rescue ng SSDD at PNP- WCPC Luzon Field Unit, Camp Crame ang aabot sa 20 menor de edad sa MC HOTEL.




