Pormal nang inilunsad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang “Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) Para Malayo sa Sakit” sa Gateway Mall sa Cubao ngayong umaga.
Sa ilalim ng YAKAP program, mas palalawigin ang comprehensive primary care package ng PhilHealth. Mas maraming gamot, at laboratory tests na ang sakop ng PhilHealth, kasama ang cancer screening sa mga accredited primary care facilities sa bansa.
Layon nitong ilayo ang mga Pilipino mula sa mga sakit, at alalayan ang mga mamamayan simula sa early detection, preventive care, hanggang sa access sa mga kinakailangang outpatient services at gamot.
Pinangunahan ni President Bongbong Marcos ang ceremonial launch, kasama sina PhilHealth Acting President at Chief Executive Officer Dr. Edwin Mercado, Department of Health Secretary Dr. Ted Herbosa, Mr. Mar Roxas bilang kinatawan ng Araneta Group, at Mr. Jason Jalandoni ng Care Center Clinics.




