Sa Quezon City, tinitiyak na lahat ng estudyante ay healthy!
Sumailalim sa libreng check-up at health risk assessment ang mga estudyante ng Pinyahan Elementary School at Jose Rizal High School kahapon.
Sinuri ng mga doktor at medical personnel ng Quezon City Health Department (QCHD), sa pakikipagtulungan sa Schools Division Office at PhilHealth NCR, ang kalusugan ng mga mag-aaral, bilang bahagi ng pilot rollout ng First Patient Encounter sa ilalim ng PhilHealth Konsulta Package.
Sa ilalim ng PhilHealth Konsulta Package, ang mga rehistradong miyembro ay maaaring magpakonsulta nang libre sa accredited facilities o providers. Sa Quezon City, lahat ng Health Center ay itinalaga bilang Konsulta Package Providers.
Patuloy na mag-iikot ang QCHD sa iba pang paaralan sa lungsod para maisulong ang lahat ng serbisyong pangkalusugan sa mga residente, lalo sa mga kabataan at kanilang mga pamilya.




