
Negatibo sa Covid-19 ang lalaking dinala sa Quezon City ng kanyang manning agency.
Ito ang napagalaman ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) kanina. Isinagawa ang reswabbing sa lalaki noong February 10, ng isang testing facility sa Pasay City.
Ang kasama naman niyang inilipat na rin ng CESU sa Hope Facility ay sumailalim na rin sa swab test, at malalaman ang resulta ngayong araw.
Sa ngayon, nakatutok ang CESU sa pag-contact trace at pag-interview sa higit-kumulang 350 indibidwal na nasasakop ng 50-meter radius sa lugar na tinirhan ng lalaki. Walo sa mga ito ang nagpakita ng sintomas, kaya naka- home quarantine na habang hinihintay ang resulta ng kanilang swab test.
Sa nasabing bilang, 106 na ang sumalang sa swabbing. Target ng CESU na tapusin ang swabbing ngayong araw.
Natukoy na rin ng CESU ang Grab driver at magsasagawa na rin ng contact tracing sa kanyang mga nakasalamuha.
“Hopefully, matapos na natin ang swabbing today. Wala pa po tayong nirerekomendang lockdown sa lugar dahil wala pa naman tayong natutukoy na clustering ng kaso. But since we have swabbed members of the community, it is a protocol na hindi muna sila dapat lumabas ng bahay,” sabi ni CESU head Dr. Rolly Cruz.
Kahapon, iginiit ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na kakasuhan ng lokal na pamahalaan ang Baltic Asia Crewing Incorporated dahil dinala pa sa Quezon City ang lalaking nagpositibo sa B1.1.7 (UK Variant) ng Covid-19, imbes na sa isang quarantine facility.
“Paano kung superspreader pala ang lalaki? Inilagay ng agency sa panganib ang buhay ng buong komunidad sa Riverside dahil hindi nila sinunod ang protocol at dinala pa sa ating lungsod ang lalaki. Hindi nila ipinagbigay-alam sa mga otoridad sa Maynila man o sa QC ang kalagayan ng lalaki, kaya wala tayong kaalam-alam. Kailangan nating panagutin ang agency at sampolan,” sabi ni Belmonte.
Ang lalaki ay nanunuluyan sa isang hotel sa Maynila habang naghihintay na makapag-abroad ulit bilang OFW. January 17 ito nagpa-swab test. January 18 ito nagpositibo sa sakit, pero nanatili pa rin sa hotel hanggang January 19.
January 19, nagbook sa isang ride-hailing app ang agency para ihatid ang lalaki sa isang apartment sa Riverside, Commonwealth.
Tinukoy ni Mayor Belmonte ang nilabag na batas ng agency: REPUBLIC ACT No. 11332 “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act”
Isa sa ipinagbabawal sa Section 9-d ng RA 11332 ang sumusunod: “Non-cooperation of persons and entities that should report and/or respond to notifiable diseases or health events of public concern.”
Hiningi rin ni Mayor Belmonte ang tulong ng lokal na pamahalaan ng Maynila para sa anumang pananagutan at parusa na maaaring ipataw sa agency at hotel.
###