Nagtipon-tipon ang mga alkalde na bahagi ng League of Cities of the Philippines (LCP) sa Fili Hotel, NuStar Resort & Casino sa Cebu City para sa kanilang 4th Convergence at 77th National Executive Board (NEB) meeting.
Dumalo sa pulong si Mayor Joy Belmonte, bilang Executive Vice President ng LCP, at si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano.
Alinsunod sa tema ng event na “Innovating, Sustaining, and Continuing to Move Forward Towards Peace, Progress, and Prosperity”, iginiit ni LCP President at Cebu City Mayor Mike Rama ang kahalagahan ng pagkakaisa at patuloy na pagsisikap para makamit ang kapayapaan, pag-unlad at kasaganahan.
Si Sen. Sherwin Gatchalian ang nagbigay ng opening message. Ang anak naman ni Mayor Rama na si Micheline Rama na isang Chevening Scholar at nagtapos sa prestihiyosong London School of Economics and Political Science, ang nagbigay ng talumpati ukol sa “Social Behavior Change” na nakatuon sa pag-unawa sa pag-uugali ng tao at ang epekto nito sa paggawa ng polisiya sa lokal na pamamahala.
Nagbigay ng keynote message si Senator JV Ejercito na chairperson ng Senate Committee on Local Government. Iniulat ni Sen. Ejercito ang pagpasa sa Republic Act (RA) No. 11964, o ang “Automatic Income Classification of Local Government Units Act”.




