Sa Quezon City, may boses ang mga kabataan!
Ibinahagi ni Mayor Joy Belmonte kung paano pinakikinggan ng lokal na pamahalaan ang mga hinaing at suhestyon ng mga kabataan, sa Fireside Chat ng ASEAN Youth Summit on Digital Resilience and the Responsible Use of New Technologies sa PICC.
Bukas ang iba-ibang feedback channel ng lungsod, tulad ng social media pages, para malaman ang mga mungkahi ng mga residente, lalo na sa kung paano mas mapapabuti ang mga programa para sa kanila.
Gamit ang teknolohiya, sinisiguro rin ng Quezon City Government na accessible, inklusibo, at tunay na tumutugon sa mga pangangailangan ang bawat inisyatibong inilulunsad para sa mga QCitizen. Binuo rin ang iba pang transparency programs at initiatives tulad ng Open Data, Open Infra, at QC iReport.
Binigyang-diin din ng alkalde na sa kabila ng pag-usbong ng iba-ibang anyo ng teknolohiya gaya ng Artificial Intelligence, mahalaga pa ring pagtuunan ng pansin ang integrity o dangal. Kapag may integridad sa paglilingkod, mas maisusulong ang transparency na susi para magkatiwalaan ng mga mamamayan.
Kasama ni Mayor Joy sa Fireside Chat tungkol sa Leading in Hyperconnected World sina Department of Information and Communications Technology Asec. Wryan Martin Te, Department of Science and Technology Assistant Scientist Elmer C. Peramo, at National Youth Commission Chairperson Joseph Francisco Ortega.










