“Bilang mga lingkod-bayan, hindi sapat na maging mabuting tao lang. Kailangan tumulong ka na kalampagin ang nakasanayan at gibain ang mga sistemang nagpapahirap sa taumbayan”
‘Yan ang binigyang-diin ni Mayor Joy Belmonte bilang commencement speaker sa 2025 Commencement Exercises ng Ateneo De Manila University – School of Government (ASOG).
Mahigit 200 lingkod-bayan mula sa iba-ibang sektor ang nagsipagtapos sa ASOG ngayong Linggo, sa ilalim ng Master in Public Management program.
Ayon sa alkalde, obligasyon ng mga public servant na manguna sa pagsusulong ng tama para sa kapakanan ng mamamayan, at pagbago sa bulok na sistemang matagal nang pumipigil sa pag-unlad ng bayan.
Bagamat mahirap at matrabaho, kailangang simulan ng mga lingkod-bayan ang pagbabago para mapalakas ang institusyon, at maitaas ang antas ng pamumuhay ng bawat Pilipino.
Sa Quezon City, tinitiyak na bawat sentimo ng buwis ng taumbayan ay napupunta sa tama at naayong programa. Kaya bilang kampyon ng good governance, layon ni Mayor Joy na maging pinaka-transparent at pinakabukas na LGU ang QC.
Isinasagawa na ang Participatory Budgeting sa ilang departamento ng lokal na pamahalaan. Malapit na ring buksan ang QC Open Data dashboard, kung saan makikita ang lahat ng datos at impormasyon ng lahat ng programa at proyekto ng lokal na pamahalaan.








