Bilang pasasalamat sa kanilang tulong sa matagumpay na COVID-19 response ng lungsod, naghandog ang Quezon City Government ng Thanksgiving Dinner para sa mga doktor na boluntaryong tumulong sa pagmonitor ng mga pasyenteng naka-quarantine sa pamamagitan ng BantAI COVID program.

Ang BantAI COVID ay isang Artificial Intelligence-powered SMS system na dinevelop ng Vireo Loadworks Inc na ginagamit ng lungsod sa contact tracing triaging, pag-monitor, at pagbibigay ng telemedicine at referral sa mga ospital para sa mga naka-quarantine.

Kaagapay ng lungsod ang BantAI COVID at ang nasa 150 volunteer doctors mula sa iba-ibang ospital sa bansa sa naging matagumpay na COVID-19 response ng QC. Mula nang mailunsad sa lungsod, umabot na sa 300,000 pasyente ang na-monitor ng AI system.

Kasama sa Thanksgiving Dinner sina Quezon City Health Department (QCHD) OIC Dr. Esperanza Arias, City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) chief Dr. Rolando Cruz, Dr. Loysa Orense ng Vireo, Special Adviser to the National Task Force Against COVID Dr. Ted Herbosa, Lung Center of the Philippines Director Dr. Vincent Manalang, at iba pang mga doktor mula sa pribado at pampublikong ospital.