Nabigyan na ng trabaho at oportunidad ang isa sa mga dating person deprived of liberty (PDL), sa tulong ng Park Inn by Radisson North EDSA at Quezon City Government.

Si Marissa ay isa sa mga sumailalim sa 100-day Basic Housekeeping Skills Training sa Quezon City Female Dormitory noong 2024. Noong Enero, nagsimula na siyang magtrabaho sa hotel, sa ilalim ng pamunuan ng Multi-Access Cooperative.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor Joy Belmonte ang kahalagahan ng pagbibigay ng oportunidad sa mga PDL, lalo na sa kanilang reintegration sa komunidad.

Pinasalamatan din ng alkalde ang Park Inn by Radisson North EDSA, sa pangunguna ng kanilang General Manager na si Ms Ann Olalo, na nagbigay ng pagkakataon para matiyak ang mas magandang bukas para sa mga PDL.

Ang basic housekeeping skills training ay isa sa mga programa ng lungsod para sa mga kapakanan ng mga kababaihan sa QC Female Dormitory.

Sa ilalim ng ‘No Woman Left Behind Program’, iba-iba pang skills ang itinuturo sa mga PDL para ihanda sila sa kanilang reintegration at mabigyan ng nararapat na kakayahan para maging matagumpay sa pipiliin nilang kabuhayan.

+20