Libo-libong oportunidad ang handog ng national government at Quezon City Government para sa mga OFW at kanilang pamilya, sa ginanap na Bayanihan para sa Balikbayang Manggagawa National Reintegration Network (NRN) and Job Fair.
Sa pangunguna ng Department of Migrant Workers (DMW), layon ng NRN Job Fair na mabigyan ng nararapat na serbisyo ang mga umuwing OFW galing Middle East para magkaroon ng sariling pagkakakitaan at kabuhayan.
Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni Mayor Joy Belmonte ang iba-ibang reintegration programs ng lokal na pamahalaan para sa mga OFW, tulad ng livelihood assistance at legal assistance, at e-habilin program para sa kanilang mga anak.
Itinatag na rin ng lungsod ang Task Force AGAP na magsisiguro ng ligtas na repatriation sa mga QCitizen QC OFW.
Nanindigan naman si DMW Sec. Hans Leo Cacdac na walang Pilipinong maiiwan at walang Pilipinong pababayaan sa gitna ng krisis sa Gitnang Silangan.
Bukod kina Mayor Joy at Sec. Cacdac, nagbigay din ng kani-kanilang mensahe sina Department of Education (DepEd) Sec. Sonny Angara, Department of Trade Industry (DTI) Sec. Ma. Christina Roque, TESDA Sec. Kiko Benitez, OWWA Administrator Py Caunan, at mga kinatawan ng DSWD, DOH, at DICT.
Aabot sa 25 ahensya ng pamahalaan ang nagbigay ng kani-kanilang programa sa mga OFW sa ginanap Bayanihan Fair, para matutukan ang kapakanan at kalagayan ng mga OFW at kanilang pamilya.








