Mainit na tinanggap ng lokal na pamahalaan ng Quezon City, sa pangunguna ng Traffic and Transport Management Department (TTMD), ang mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan ng Cabanatuan City para sa isang benchmarking activity.
Layon ng aktibidad na ibahagi ang best practices ng lokal na pamahalaan sa pangangasiwa ng transportation system sa lungsod, partikular ang sektor ng mga tricycle driver.
Kabilang sa tinalakay ang mga programa at polisiya ng lungsod gaya ng QC Tricycle Management Code of 2014, tricycle route plan, fare matrix, at ang mga patakaran sa operasyon ng mga Tricycle Operators & Drivers Association (TODA). Ipinakita rin ng TTMD ang mga kagamitan para sa automated ticketing sa mga tricycle violators.
Nakibahagi sa aktibidad sina Committee on Transportation & Tricycle Franchising Board Chairperson Coun. Raquel Malangen, Assistant City Administrator for Operations Alberto Kimpo, TTMD Head Dexter Cardenas, Transport Regulatory Division Chief Transportation Regulation Officer Benjamin Ibon III, at mga kinatawan ng iba pang departamento ng City Hall.
Dumalo naman mula sa Cabanatuan City sina Dr. Mikey Vergara bilang kinatawan ni Mayor Myca Elizabeth Vergara, Secretary to the Mayor Julio Miguel Vergara, at Acting City Administrator Princess Ann Sabile.








