Ibinida ni Mayor Joy Belmonte ang mga programa ng Lungsod sa pagsisiguro ng kapakanan ng mga QCitizen OFWs at kanilang pamilya mula sa preparasyon sa pag-alis sa bansa hanggang sa kanilang pagbabalik sa ginanap na Bridging Recruitment to Reintegration in Migration Governance (BRIDGE) Fair sa Marco Polo Hotel.
Binanggit ng alkalde ang Migrant Resource Center na one-stop-shop ng lahat ng mga serbisyo para sa mga OFW. Sa pamamagitan naman ng e-Habilin program, sinisiguro na ang mga anak ng OFW ay naaalagaan ng lokal na pamahalaan at nakakatanggap ng kinakailangan nilang serbisyo.
Tinitiyak din ng lungsod na sasailalim muna sa pre-departure orientation at financial literacy seminar ang mga OFW at kanilang pamilya. Inorganisa rin ng QC ang mga pamilya ng OFWs para mas madaling maibaba ang mga programa ng lokal na pamahalaan sa kanila.
Kasama ni Mayor Joy na dumalo sa forum sina Department of Migrant Workers Asec. Venecio Legaspi, Blas Ople Policy Center and Training Institute Executive Director Diana Ople San Jose, UN Resident Coordinator Gustavo Gonzales, mga diplomats, at mga kinatawan ng iba-ibang migration institutions.
Ang BRIDGE Fair ay programa na binuo ng International Organization for Migration (IOM), International Labour Organization (ILO), at United Nations Entity for Gender Equality and the Empowerment of Women (UN WOMEN) sa pakikipagtulungan sa Migration Multi-Partner Trust Fund.