Bilang bahagi ng pagkalinga sa mga QCitizen na Overseas Filipino Workers (OFW), nagkasundo ang Quezon City Government at International Labour Organization (ILO) para sa pagtatatag ng Migration Resource Center (MRC) sa lungsod.
Ang MRC ay magsisilbing one-stop-shop para sa mga OFW at kanilang pamilya, kung saan magiging available ang iba-ibang serbisyo tulad ng assessment at referral services, local employment facilitation, psycho-social first aid, at OFW help desk. Ito ang kauna-unahang MRC na maitatatag sa buong NCR.
Pinangunahan nina Mayor Joy Belmonte at ILO Philippines Country Director Khalid Hassan ang agreement signing na sinaksihan nina European Union Ambassador to the Philippines HE Luc Véron, EU Head of Cooperation Christoph Wagner, at Public Employment Service Office Manager Rogelio Reyes.
Ang kasunduan ay pagsasabuhay din ng City Ordinance 2500-2016 na naglalayong kilalanin ang mga OFW bilang bayani at mabigyan sila at kanilang pamilya ng mga programa at proyekto sa kanilang pag-uwi sa bansa.
























