Sa gitna ng hindi pangkaraniwang lakas ng ulan na naranasan sa lungsod nitong Lunes, tuloy-tuloy ang Quezon City Government, sa pangunguna ng Department of Engineering, sa pagsasagawa ng drainage clearing activities upang makatulong na mapabilis ang paghupa ng baha sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Ngayong araw, umabot sa mahigit 200 millimeters ng ulan sa loob lamang ng limang oras ang bumuhos sa lungsod. Katumbas ito ng 12 araw na ulan.
Dahil dito, isinailalim sa clearing activities ang ilang mga lugar tulad ng: Don Jose Street, Barangay Sto. Domingo; Quirino Highway, Barangay Gulod; Kalayaan Ave., Barangay Central; V. Luna Ave., Barangay Sikatuna Village; Capoas Street, Barangay Masambong; at G. Araneta Ave. cor. E. Rodriguez Sr. Ave., Barangay Tatalon.
Nagsagawa rin ng clearing ng tumumbang puno sa Pall Mall Street, Barangay Fairview. Tuloy-tuloy naman ang pumping out ng flood water sa G. Araneta Ave. cor. E. Rodriguez Sr. Ave.
Katuwang ng QCDE ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga isinagawang clearing operation.
Patuloy ang Quezon City Government sa pagsasagawa ng mga response operations, katuwang ang mga concerned agencies, upang agad na matugunan ang mga nararanasang pagbaha sa iba-ibang bahagi ng lungsod.










