Ibinahagi ni Mayor Joy Belmonte ang mga hakbang ng Quezon City upang mapalakas ang flood resilience at climate adaptation sa ginanap na Coastal and Flood Resilience Leaders Summit sa Singapore.
Sa panel discussion para sa Climate-Resilient Cities, tinalakay ng alkalde kung paano pinalalakas ng lungsod ang paraan ng pagtugon sa pagbaha sa pamamagitan ng data-driven planning, makabagong imprastraktura, at community engagement
Kabilang sa mga tampok na programa ng lungsod ang QC Drainage Master Plan, na nagsisilbing gabay sa pagpapatupad ng mga flood control projects. Bahagi nito ang paglalagay ng retention pond, detention tanks, at collecting tanks sa iba’t ibang lugar, kasabay ng pagpapalawak ng nature based solutions sa paligid nito. Ibinahagi din ng alkalde ang Project TERRA, kung saan pinagsasama sa isang pasilidad ang flood mitigation infrastructure, covered basketball court, evacuation center, at roof garden.
Binigyang-diin din ni Mayor Joy ang kahalagahan ng paghahanda ng mga komunidad sa pamamagitan ng hyper-localized alerts, disaster preparedness trainings, at mas mabilis na emergency response systems.
Nakabahagi rin sa talakayan sina Mauricio Mira Pontón ng City of Santiago de Cali, Nerina Di Lorenzo ng Melbourne Water, Johan Verlinde ng Rotterdam WeatherWise, at Norio Saito ng Asian Development Bank. Bahagi ang summit ng Singapore International Water Week 2026, na nagtipon ng mga lider at eksperto mula sa iba’t ibang panig ng mundo upang magbahagi ng mga makabagong solusyon sa coastal resilience, at flood management upang matugunan ang mga hamon ng urbanisasyon at climate change.










