Ginugunita ngayong Lunes, December 15, 2025, ang ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Emilio Jacinto. ![]()
Kilala bilang Utak ng Katipunan, si Emilio Jacinto ay isa sa mga batang bayaning may malaking ambag sa intelektwal at pundasyong politikal ng grupo. Siya rin ang may akda ng Kartilya ng Katipunan na nagsilbing gabay at patnubay sa mga miyembro nito.
Pinangunahan nina Sen. Loren Legarda, Mayor Joy Belmonte, National Historical Commision of the Philippines (NHCP) Chairperson Regalado Trota Jose Jr., National Youth Commision (NYC) Chairperson Joseph Francisco Orterga, at District 6 Rep. Marivic Co-Pilar ang pagdiriwang, na isinagawa sa Bantayog ni Emilio Jacinto sa Himlayang Pilipino Memorial Park.
Bukod sa mga opisyal ng pamahalaan, dumalo rin sa programa ang kaanak ni Emilio Jacinto na si Ms. Maria Melissa Galauran Lacerna-Dona, National Artist for Literature Virgilio Almario, at Mr. Rafael Hizon ng Himlayang Pilipino, Inc.
Nagtanghal din ang Tanghalang Pilipino ng ilang awitin mula sa “Pingkian: Isang Musikal,” habang binasa naman ni Mariah Shaniah Mismanos ng Melchora Aquino National High School ang ilang sipi ng Kartilya ng Katipunan.
Kasabay ng paggunita, kinilala naman ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ang mga nanalo sa kanilang KaraTula 2025, Santelmo Pambansang Hámon sa Pagtula 2025, at Gawad Jacinto LIRA.








