Hindi naging hadlang kina Angelica Torres at Christian Andres Borromeo ang kanilang kapansanan para magtagumpay sa kani-kanilang larangan!
Ibinahagi nila ang kanilang inspiring stories kina Mayor Joy Belmonte at Persons with Disability Affairs Office (PDAO) Head Deborah Dacanay, sa kanilang pagbisita sa Quezon City Hall noong Lunes.
Si Angelica na QCitizen mula Barangay Baesa ang kauna-unahang person with visual impairment na nakarating sa tuktok ng Mt. Apo. Nanguna rin siya sa ginanap na high-altitude OCR event sa Mt. Pulag noong 2022.
Dahil sa kanyang galing at determinasyon, aabot na sa 20 bundok ang naakyat na niya, kasama ang kanyang coach at guide.
Si Christian naman ay 12 taong gulang na piano prodigy mula sa Barangay Kamuning. Sa kanyang murang edad, naghakot na siya ng parangal sa iba-ibang international piano competition.
Hindi rin naging balakid ang pagiging person with autism ni Christian para mamayagpag sa Math and Science Olympiad. Noong 2023 at 2024, nag-uwi siya ng apat na silver at bronze medals sa mga patimpalak sa Hongkong, at Thailand.