Pinasalamatan ni Mayor Joy Belmonte ang World Vision Philippines dahil sa pag-alalay nito sa lungsod para sa pagpapalakas ng programa kontra child labor.
Ibinahagi ng alkalde kay World Vision-US Senior Finance Program Manager Marivic Bartolome kung paano naging epektibo ang kanilang Project Against Child Exploitation (ACE) sa pagsusulong ng adbokasiya ng lungsod para tuluyan nang matuldukan ang child labor.
Nagbigay ng technical assistance ang World Vision, at nagsagawa ng pagsasanay sa mga barangay tungkol sa child labor. Isinabak rin nila sa training ang mga QC Helpline 122 operators sa agarang pagtugon sa mga tawag tungkol sa kaso ng child labor at Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC).
Mayroon nang Unified Referral System for Child Protection Guidebook ang lungsod na magsisilbing gabay ng mga barangay, paaralan, pulis, at mga ahensya ng pamahalaan sa pagpo-protekta at pangangalaga sa karapatan ng mga kabataang biktima ng sapilitang pagta-trabaho, pang-aabuso, at pagmamalabis.
Kasama ni Mayor Joy sa pulong sina Public Employment Service Office Head Rogelio Reyes, Social Services Development Department OIC Eileen Velasco, at Quezon City Citizen Services Department Action Officer Carlos Verzonilla.


