Ibinahagi ni Mayor Joy Belmonte kay New Zealand Ambassador to the Philippines His Excellency Peter Kell ang mga programa ng Quezon City Government sa pagsisiguro ng food security at food supply, at government effectiveness at innovation.
Kasama sina Business Permits and Licensing Department Head Ma. Margarita Santos, City Engineering Department OIC Atty. Dale Perral, at Ian Agatep ng Sustainable Development Affairs Unit, ipinaliwanag ng Team QC ang Healthy Food Procurement Policy at Ease of Doing Business initiative ng lungsod.
Sa Healthy Food Procurement Policy, sinisiguro ng lokal na pamahalaan na sa masusustansyang pagkain lamang napupunta ang pondo ng lungsod. Sa ilalim naman ng Ease of Doing Business, pinapabilis, pinapaikli, at pinapadali naman ng Quezon City government ang pagpo-proseso ng business permit para sa mga negosyante sa QC.
Ang pulong ay bahagi ng Government to Government (G2G) Exploratory Discussion sa pagitan ng New Zealand at QC Government upang alamin kung ano-ano pang best practices ang maaari nilang i-adopt o ipatupad sa kanilang nasasakupan.