
Bakit kailangang magpabakuna kontra sa COVID-19?
Ang bakuna ay ligtas at epektibong paraan para maiwasan ang sakit. Sa ngayon, may mga bakunang ginagamit bilang proteksyon sa mga sakit gaya ng influenza (trangkaso), measles (tigdas), pneumonia, tetanus, diphtheria at polio.
Kapag nabigyan ka ng bakuna, hindi lamang ikaw ang protektado kundi pati ang mga nakapaligid sa iyo dahil hindi mo na maipapasa ang sakit.
Paano nagkakaiba ang mga bakuna?
Nagkakaiba ang mga bakuna kung saan ito gawa at kung paano nito utusan ang katawan na gumawa ng antibodies o proteksyon sa impeksyon.
Ang bakuna ay maaaring pinahina o patay na virus o bacteria, o isang genetic product (tulad ng mRNA) na gagawa ng protina ng isang virus o bacteria pero hindi magdudulot ng sakit.
Ano ang maaaring side effects matapos magpabakuna?
Anumang bakuna ay karaniwang nagdudulot ng alinman sa mga sumusunod: lagnat, pamumula ng balat, pangangati o pamamaga ng bahaging tinurukan na tatagal ng ilang oras, sakit ng ulo, pagkasira ng tiyan o pagsusuka. Kumonsulta agad sa doctor kapag may naramdamang sintomas.
Ano ang maaaring gawin habang naghihintay sa paparating na bakuna?
Manatili pong sumusunod sa minimum health protocols sa lahat ng oras upang maiwasan ang pagkalat ng virus. Hinihikayat din ang publiko na maging mas mapanuri sa mga impormasyong nakikita sa internet. Mag-check ng tamang impormasyon sa mga official sources gaya ng DOH at WHO.
Hindi na ba ako tatamaan ng Covid-19 kapag nagpabakuna ako?
Maaari ka pa ring tamaan ng Covid-19 kahit nagpabakuna na. Pero maiiwasan ang malubhang epekto ng sakit dahil may dagdag na kakayahan ang iyong katawan para labanan ito. Dahil dito, mapoproteksyunan mo rin ang malalapit sa iyo dahil hindi ka na makakahawa.
Ang importante, patuloy na sumunod sa minimum health protocols gaya ng pagsusuot ng mask at face shield, madalas na maghuhugas ng kamay at social distancing.
Ligtas ba ang mga bakuna laban sa Covid-19?
Ang mga bakuna ay dumaan sa masusing pag-aaral, pananaliksik at clinical trials ng mga eksperto. Sinubok rin ito sa isang bahagi ng populasyon. Sa huli, anumang bakuna na pumapasok sa Pilipinas ay sumasailalim din sa pagsusuri ng health experts at Food and Drug Administration. Sa ngayon, bawat manufacturer ng bakuna sa Covid-19 ay dapat mag-apply ng Emergency Use Authorization (EUA) sa FDA, dahil ang bakuna ay bago at hindi pa ibinebenta sa merkado.
Ano ang Emergency Use Authorization (EUA)?
Ang EUA ay iniisyu lamang ng FDA kapag may public health emergency. Dahil bago ang sakit na Covid-19 at patuloy sa pagkalat, nagmadali ang mga pharmaceutical companies na makagawa ng bakuna para mapakinabangan agad ng publiko. Karaniwan kasi ay dadaan pa sa mas mahabang proseso ang isang bakuna bago payagan ng FDA na maibenta sa merkado (commercial use). Dahil direkta na ang pagbili ng mga gobyerno sa bakuna, ang kailangan lamang ay magbigay ng EUA ang FDA matapos nitong suriin kung ligtas at mabisa ito para magamit sa lalong madaling panahon.
Sa ngayon, hindi pa mabibili ang bakuna sa klinika, ospital o botika. Ang gobyerno lamang ang otorisadong mamahagi ng bakuna dahil EUA lamang ang hawak ng pharmaceutical companies.
May bayad ba ang bakuna laban sa Covid-19?
Libre po ito para sa QCitizens, pero uunahin ang mga sektor na nasa listahan ng World Health Organization gaya ng matatanda, frontliners at mahihirap.