Upang mabigyan ng oportunidad na kumita gamit ang social media, aabot sa 250 QCitizens ang naging bahagi ng kauna-unahang Digital Beauty Academy sa bansa sa ilalim ng L’Oreal Philippines, TikTok, SPARK! Philippines, at Quezon City Government.
Ang Digital Beauty Academy ay isang beauty and social media training para sa mga QCitizen kung saan tuturuan sila ng hairdressing, tips sa pagpapaganda o magme-make up, at kung paano gumawa ng content at kumita gamit ito. Bibigyan din sila ng pagsasanay sa financial literacy, responsableng paggamit ng social media, at kung paano mapapangalagaan ang mental health.
Dumalo sa launching ceremony ng Digital Beauty Academy sina Mayor Joy Belmonte, L’Oreal Philippines Country Managing Director Yannick Raynaud, TikTok Philippines Head of Public Policy Kristoffer Rada, SPARK! Philippines Executive Director Maica Teves, Councilor Candy Medina, Small Business Cooperatives Development and Promotions Office (SBCDPO) Head Mona Celine Yap, at TikTok content creator Aaron Maniego.
Ito ang pangalawang pagkakataon na nakipagtulungan ang L’Oreal Philippines at SPARK! Philippines sa lokal na pamahalaan. Noong nakaraang taon, aabot sa 367 QCitizens ang nabigyan ng free hairdressing training sa ilalim ng programang Beauty for A Better Life.