Namahagi ng relief packs ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sa pakikipagtulungan sa Quezon City Government, sa halos 2,000 pamilyang biktima ng sunog sa NIA Road, Barangay Pinyahan noong Biyernes.
Ang relief packs ay naglalaman ng mga pagkain at mga pangunahing kagamitan na kinakailangan ng mga biktima habang pansamantalang namamalagi sa pitong itinalagang evacuation sites.
Modular evacuation tents naman ang ipinaabot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na makatutulong sa kaayusan, kalinisan, at kaligtasan ng mge evacuee.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa National Housing Authority (NHA) at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) para sa pagpapatayo ng permanenteng in-city relocation ng mga nasunugan.
Nauna nang mag-abot ng tulong ang lokal na pamahalaan sa mga indibidwal na naapektuhan ng sunog. Kasalukuyan silang kinakalinga ng mga social worker at health workers ng pamahalaang lungsod.
Nakiisa si Mayor Joy Belmonte sa ceremonial turnover ng ‘charitimba’ at modular tents mula kina PCSO General Manager Mel Robles at MMDA General Manager Nicolas Torre III.








