Pinangunahan ni Mayor Joy Belmonte ang paglalahad ng resulta ng inspeksyon sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways sa Lungsod Quezon sa press conference ngayong araw.
Base sa datos ng Quezon City Department of Engineering, mula 2021 mayroong 254 flood control projects ang DPWH sa lungsod na nagkakahalaga ng higit P14 bilyon.
Nasa 142 na ang natapos habang 112 ang on-going construction. Dalawa lang sa mga proyektong ito ang nakatanggap ng Certificate of Coordination sa lungsod.
Ilan sa mga natuklasan ng lokal na pamahalaan na hinihingan ng paliwanag sa DPWH ang hindi tugmang project site sa project title, napakaraming phases na proyekto, proyektong idineklarang tapos pero may ginagawa pa, at magkaparehong contract cost ngunit magkaiba ng lokasyon.
Nanawagan si Mayor Joy sa QCitizens na ipagbigay-alam sa Pamahalaang Lungsod ang mga flood control project sa kanilang barangay na sa tingin nila ay hindi akma o nagpalala pa ng pagbaha.
Kasama ng Alkalde sa presscon sina City Engineer Atty. Dale Perral, Local Disaster Risk Reduction and Management Officer Bianca Perez, UP Resilience Institute and NOA Center Executive Director Dr. Alfredo Lagmay, at City Attorney Atty. Carlo Austria.
Dumalo rin bilang suporta sina Majority Floor Leader Aly Medalla kasama sina Councilors Ram Medalla, Bernard Herrera, TJ Calalay, at Raquel Malañgen.








