Isa sa mga inalam ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa kanyang pagbisita sa Rishon LeZion ang kahandaan ng lungsod pagdating sa lindol.
Ipinakita ng Municipal Company for Security & Public Order ang kanilang Geographic Information System, na tumutulong sa pagtukoy ng mga gusaling may mataas na posibilidad ng pagguho.
Bukod dito ay nalalaman din ng system ang mga tao na maaaring maapektuhan sa oras na may gumuhong gusali dulot ng malakas na paglindol.
May mga earthquake sensors na inilagay sa buong lungsod na magbibigay alarma kapag tumama ang lindol na magnitude 4.5 pataas, hudyat ito upang magkaroon ng preventive evacuation sa mga gusali.
Ibinahagi naman ng kumpanyang Camero-Tech ang kanilang produktong Xaver. Ang Xaver ay isang kagamitan kung saan malalaman ng awtoridad kung may tao sa loob ng gusali kahit ito ay napapaligiran ng konkretong pader. Gumagamit ito ng UWB Radio Imaging systems na hindi lamang para sa military operations kundi pati sa search and rescue operation sa gumuhong gusali.