Isa si Mayor Joy Belmonte sa mga naimbitahang guest speaker upang pag-usapan ang Climate Emergency sa lungsod, sa ginanap na Net Zero Carbon Philippines event ng European Chamber of Commerce of the Philippines (ECCP).
Ibinahagi ni Mayor Joy ang iba-ibang programa ng lungsod bilang pagtugon sa mga epekto ng global climate change, kabilang ang pagtatatag ng Climate Change and Environmental Sustainability Department, at pagbuo sa Enhanced Local Climate Change Action Plan katuwang ang C40 Cities.
Binigyang-diin din ng alkalde ang kahalagahan ng pagkakaisa ng lahat ng sektor, mula sa mga civil society organization hanggang sa mga residente, sa pagsasakatuparan ng climate goals ng lungsod.
Upang makamit ang target na mabawasan ng 30 porsyento ang carbon emissions ng lungsod, iba-ibang proyekto at plano ang binuo ng lokal na pamahalaan tulad ng pagpapalawig ng bike lane network, solarization ng city-owned hospitals at viable school buildings, pagpapatayo ng green corridor, at pagsusulong ng urban agriculture.



