Ang rabies ay isang nakamamatay na viral infection na nakukuha mula sa mga hayop na mayroong rabies virus. Nakakamatay ito para sa mga hayop at sa mga tao.
Paano nakukuha ang rabies?
- Nakukuha ang rabies mula sa laway ng infected na hayop. Karaniwang naipapasa ito kapag kinagat ng infected na hayop ang isang tao.
- Kapag nakagat ng hayop na may rabies, kakalat ang virus sa nervous system. Nakakamatay at wala nang lunas sa rabies kapag kumalat na ang virus, lalo na kapag nagpakita na ng sintomas ang biktima.
Ano ang mga sintomas ng rabies sa tao?
- Pananakit ng ulo at lagnat
- Pananakit at pamamanhid sa parte ng sugat
- Pamamanhid ng kalamnan
- Pagkatakot sa tubig at hangin
Ano ang mga senyales na may rabies ang hayop?
- Pagiging agresibo
- Matinding paglalaway
- Takot sa tubig at liwanag
Ano ang mga dapat gawin kapag nakagat ng hayop?
- Kapag nakagat ng aso o pusa, agad na gamutin at linisin ang sugat.
- Agad hugasan ang sugat gamit ang malinis na tubig at sabon. Huwag itong paduguin o piliting paduguin.
- Agad magtungo sa pinakamalapit na animal bite center.
Ano ang dapat gawin sa hayop?
- Obserbahan ang aso sa loob ng 10 hanggang 14 na araw matapos itong makakagat. Ipagbigay-alam agad sa kinauukulan (doktor o city veterinarian ng lungsod) kung makita ang mga sumusunod na senyales:
– Agresibo
– Matinding paglalaway
– Nangangagat ng mga gumagalaw o hindi gumagalaw na bagay
– Hindi umiinom o kumakain
– Pagkamatay ng aso sa loob ng 14 na araw
- Kapag hindi maaaring obserbahan ang aso (nakatira sa lansangan), ipagbigay alam agad sa doktor o city veterinarian ng lungsod.
- Kapag walang kakayanan na obserbahan ang alagang aso sa loob ng nakasaad na observation period, humingi na ng tulong sa Quezon City Veterinary Department.
Ano ang mga responsibilidad ng mga nag-aalaga ng aso at pusa?
(Quezon City Ordinance No. SP 2505 s-2016)
- Maging responsableng pet owner. Pabakunahan ang inyong alagang aso o pusa kontra rabies. Siguraduhin din na taon-taong bakunado laban sa rabies ang inyong mga alaga.
- Siguruhing nasa loob lamang ng ating tahanan o sariling bakuran ang ating mga alagang hayop. Kapag ilalabas para maglakad, gumamit ng leash o harness.
- Alagaan nang mabuti ang inyong aso o pusa, bigyan ng malinis na makakain at maiinom. Siguraduhin din na malinis ang kanilang kulungan o tulugan.
Ano ang mga multa o parusa sa mapapatunayang iresponsableng pet owners?
- Unang Paglabag: ₱ 1,000.00
- Pangalawang Paglabag: ₱ 1,500.00
- Pangatlong Paglabag: ₱ 2,000.00 at kumpiskasyon ng alagang aso at pusa
Kanino pwedeng makipag-ugnayan tungkol sa alagang aso o pusa at/o kaso ng Rabies?
Quezon City Veterinary Department 8988-4242 local 8036 cvd@quezoncity.gov.ph @QCVDgovph |
Animal Care and Disease Control Division 8988-4242 loc 8036 animalcare.cvd@quezoncity.gov.ph @QCAnimalCare |
Quezon City Animal Pound 8988-4242 loc 8036 pound.cvd@quezoncity.gov.ph @QCAnimalPound |
Quezon City Animal Care and Adoption Center Clemente St. Lupang Pangako, Payatas Quezon City 8988-4242 loc 8036 qc.animalcareandadoption@gmail.com @animalcareandadoptioncenter |