Pormal nang ibingay ng Quezon City Government ang bagong fire truck para sa Sta. Lucia Fire Sub-Station. Mismong si Mayor Joy Belmonte ang nagbigay nito kay Sta. Lucia punong barangay Ruel Marpa.
Ang brand new fire truck mula sa pamahalaang lungsod ay kapalit ng lumang fire truck ng barangay na halos 20 taon na. May kakayahan itong makapagkarga ng aabot sa 1,000 gallon ng tubig.
Bukod sa Sta. Lucia, nakatanggap din ng bagong firetruck ang fire sub-station (FSS) ng Novaliches, Baesa, New Era, at Central. Tinulungan din ng lungsod ang BFP-QC sa pagpapatayo at pagsasaayos ng mga FSS ng San Antonio, Rolling Hills, Bagong Silangan, Batasan Hill, Krus na Ligas, Lagro, Fairview, at Pasong Putik.
Ang turn-over ng bagong fire truck at pagsasaayos ng mga fire stations ay bahagi ng pagpapalakas ng kapasidad ng BFP at mga bumbero sa pag-aapula ng sunog at pagresponde sa anumang emergency. Noong Marso, nagbigay din ang lokal na pamahalaan ng 100 self-contained breathing apparatus para sa mga bumbero habang dalawang karagdagang fire trucks naman ang natanggap ng lungsod mula sa BFP National Headquarters.





