Nakatanggap ng fuel subsidy ang 1,500 TODA drivers mula sa District 3 ngayong araw. Ang mga fleet cards ay ibinahagi bilang tugon sa tumataas na presyo ng produktong petrolyo.

Kasama sa pamamahagi sina District 3 Action Officer Atty. Tommy De Castro, QC Task Force for Transport and Traffic Management OIC Dexter Cardenas, at QC Tricycle Regulation Division chief Ben Ibon III.

Naglalaman ang fleet card ng P1,000 fuel voucher para sa isang buwan, kung saan maaaring magamit ang hanggang P400 halaga ng gasolina sa isang araw.

Ang mga fleet card ay naka-register na mismo sa mga driver o operator ng naturang tricycle. Maaari din nilang itago ang mga card upang sa susunod na magpapatupad ng fuel subsidy distribution ang pamahalaang lungsod, magagamit pa rin nila ito.

Naisakatuparan ang programa sa tulong ng City Ordinance SP 3100 S-2022 na naglalayong mabigyan ng fuel subsidy ang mga may prangkisang tricycle for hire sa Lungsod Quezon.