Nagtipon-tipon ang mga opisyal ng Quezon City Government para pag-usapan at ilinya ang mga prayoridad na polisiya at programa para sa mga QCitizen.
Sa isinagawang Harmonization of the Executive and Legislative priorities for the term 2025-2031, tinalakay ang lahat ng mga programa at ordinansang target ipatupad sa lungsod hanggang 2028.
Ibinahagi ni Mayor Joy Belmonte at ng mga department head ang mga isyu na kailangang tugunan at ang mga inisyatibong kailangang ipatupad, partikular sa cluster ng Human and Social Development, Economic Development, Infrastructure, Environment and Climate Change, at Institutional Development.
Binigyang-diin naman ni Vice Mayor Gian Sotto na suportado ng legislative branch ang mga programa ng ehekutibo.
Kaya’t bumuo sila ng mga polisiya para maprotektahan ang kapakanan ng mga mamamayan, matiyak ang pag-unlad ng mga negosyo at kabuhayan, matatag na imprastraktura, maisulong ang pangangalaga sa kalikasan, at masiguro ang tapat at mahusay na pamamahala.
Dumalo rin sa pulong sina Department of the Interior and Local Government-National Capital Region (DILG-NCR) Director Maria Lourdes Agustin, at DILG Navotas City OIC Director Ana Jury Castillo.
Ang pulong ng Executive at Legislative Department ay isinasagawa para matiyak na ang mga programang isinasagawa ng pamahalaang lungsod ay suportado ng mga polisiya at ordinansang binubuo ng Sangguniang Panlungsod.








