Upang talakayin ang mga programang pangkababaihan, nakipagpulong ang QC Gender and Development Council sa pangunguna ni Ms. Janet Oviedo sa mga kinatawan ng mga grupo ng kababaihan sa Lungsod Quezon. Sa buong buwan ng Marso kung kailan ipinagdiriwang ang National Women’s Month, nag-ikot ang pamahalaang lungsod upang sumangguni sa mga women’s organizations sa QC para pakinggan ang kanilang mungkahi kung ano ang mga programang nais nilang maipatupad para sa ika-aangat ng sektor ng kababaihan sa mga susunod na taon.

Ito ay tinalakay bilang Gender and Development Agenda para sa taong 2022-2025, ilan sa mga programang nakapaloob dito ay para sa pagsulong ng mas maayos na kalusugan, pagsugpo ng karahasan laban sa kababaihan at LGBTQIA+, pangkabuhayan, access sa edukasyon, katiyakan ng paninirahan, at kaligtasan laban sa diskriminasyon at anumang uri ng pambabastos o pananamantala sa kababaihan.

Kaisa naman sa pagbuo ng Gender and Development Agenda ang ilang women executive officials ng pamahalaang lungsod na sina Ms. Mona Celine Yap ng Small Business and Cooperatives Development Promotions Office, Ms. Margarita Santos ng Business Permits and Licensing Department, Ms. Marian Orayani ng City Budget Department, at Dr. Esperanza Arias ng City Health Department. Nakiisa rin si Ms. Iza Calzado-Wintle na kilala bilang kampeon ng kababaihan at advocate ng women empowerment.