UPDATE MULA SA LOKAL NA PAMAHALAAN!

Upang matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng QCitizens, sinisiguro ng lokal na pamahalaan ang tuloy-tuloy na paghahakot ng mga nabubulok na karne mula sa nasunog na cold storage facility ng Glacier North Refrigeration Services sa Barangay Del Monte.

Bagama’t pribadong kumpanya ang nasunugan, nagtalaga ng mga karagdagang tauhan ang lokal na pamahalaan sa lugar dahil sa maaaring epekto nito sa komunidad.

Mula kanina, umabot na sa 91% ng higit sa 4,000 tons ng nabubulok na mga karne at debris ang nahakot ng hauling company na kinontrata ng Glacier.

Nakaantabay ang response teams ng QC Disaster Risk and Reduction Management Office para imonitor ang sitwasyon. Ginagabayan din ng Department of Sanitation and Clean Up Works ang tamang pagtatapon ng karne at debris ng Glacier.

Nakaalalay naman ang QC Fire District para sa flushing, habang tinitiyak ng QC Health Department na maayos ang isinasagawang disinfection sa lugar. Nakatutok rin ang QC Veterinary Department para matiyak na nalalagyan ng apog (Calcium Carbonate) ang mga debris at basura.

Sa panig ng Traffic and Transport Management Department, isinasaayos ang daloy ng trapiko, samantalang tumutulong ang QC Engineering Department sa paglalagay ng sandbags para maayos na sludge disposal sa pasilidad. Pinahiram rin nila ang ilan nilang kagamitan at tauhan para mapabilis ang paglilinis sa lugar.

Sinisikap ng lokal na pamahalaan ang mabilis na tugon ng kumpanya upang maiwasan ang hindi kaaya-ayang amoy sa pitong apektadong barangay at iba pang posibleng epekto ng naganap ng sunog.

+11