Nakikipagtulungan ang Globe sa Quezon City (QC) sa pagbibigay ng Internet at mga digital solutions para suportahan ang mga online na pangangailangan ng mga residente lalo na ang mga mag-aaral.
Kasama sa ugnayang ito ang pagpapalawak ng Globe GoWiFi at KonekTayo WiFi pati na rin ang paggamit ng SMS API ng Globe Labs, School Bus WiFi, at Load Up. Ito ay bahagi ng pagsisikap ng Globe na masuportahan at mabigyan ng maaasahang pagkakakonekta ang mga mag-aaral at guro habang online pa ang mga klase.
Isang libong access points ng GoWiFi ang ilalagay sa mga pangunahing establisimiyento sa lungsod bilang dagdag sa kasalukuyang 3,000 access points. Magagamit ang GoWiFI sa mga piling ospital, barangay hall, supermarket, mall, istasyon ng pulisya at bumbero, at coffee shops para sa mas malawak na pag-access sa e-services hub ng QC.
Matutulungan naman ng SMS API ng Globe Labs ang lokal na pamahalaan sa pagpapadala ng mga alerto sa mga gumagamit ng e-services hub. Samantala, ang KonekTayo WiFi ay makapagbibigay ng mabilis at ligtas na WiFi sa mga komunidad gaya ng Bistekville 4, Bistekville 15, Sitio Pingkian, Republic Residences, at Bagong Lipunan Pag-asa Condominium.
Sa pamamagitan ng mga serbisyong ito, makakatulong ang Globe na pabilisin ang paggamit ng teknolohiyang digital sa bansa. Kinikilala ng Globe ang halaga ng pananatiling konektado ng mga Pilipino lalo na ngayong ang mga serbisyo at oportunidad ay nalipat na sa online.
“Isa sa mga pangunahing misyon ng Globe ang manguna sa pagbuo ng isang digital na ekonomiya sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Lungsod ng Quezon, hangad naming mag-ambag sa paglutas ng digital gap at makatulong sa mga komunidad na makabangon sa epekto ng COVID-19,” ayon kay Janis Racpan, Globe Director for Business Development and Marketing, Digital Solutions Group.
Para matiyak na ang mga estudyante at guro ay may access sa Internet, nag-deploy ang Globe ng mga school bus na magbibigay ng online access mula 7:00 A.M. hanggang 7:00 P.M. Ang mga bus na ito ay makikita sa mga sumusunod na barangay: Sta. Lucia (Aguinaldo Street. Cor. Lakandula), Commonwealth (Nokia Street, Dona Nicasia Subdivision), Sauyo, at Pasong Tamo (Marcel Village – Himlayan Road).
Nagbigay din ang Globe ng 176,000 data SIM cards para sa mga mag-aaral at 17,582 data SIM card para sa mga guro ng elementarya sa lungsod sa pamamagitan ng Load Up. Ito ay isang ligtas na sistema na kayang magpadala ng internet credits sa mga benepisyaryo ng Home-based Learning Program ng QC.
Pahayag naman ni QC Mayor Joy Belmonte: “As quickly as everything starts to become online–schooling, learning, transacting, and connecting, the local government of Quezon City is fortunate enough to be in partnership with Globe to aid our residents with solutions that can help them access the internet conveniently. We are grateful to partake in Globe’s mission to digitally equip every city in the country.”
Sa pangako nitong panatilihing ligtas ang mga komunidad mula sa mga panganib sa online, nakikipagtulungan din ang Globe sa QC sa pagsasagawa ng mga virtual na workshop para sa mga magulang, mga bata, at mga namumuno sa pamayanan sa pamamagitan ng Digital Thumbprint Program (DTP). Ito ay naglalayong mapalalim ang kaalaman ng mga netizens tungkol sa digital citizenship at cybersafety. Para ma-access ang mga e-module ng DTP, bisitahin ang https://www.youtube.com/user/GlobeCSR/videos.
Sinusuportahan ng Globe ang United Nations Sustainable Development Goal No. 9 tungkol sa kahalagahan ng imprastraktura at pagbabago bilang makabuluhang mga driver ng paglago at pag-unlad ng ekonomiya. Nangako ang Globe na isusulong ang mga prinsipyo ng United Nations Global Compact at 10 UN SDGs.
Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa Globe, bisitahin ang www.globe.com.ph.
###