Congratulations sa pioneer graduates ng Garbage Collection Training Program!
Dalawampu’t apat (24) na QCitizens ang sumailalim sa pagsasanay sa loob ng sampung araw, kung saan binigyan sila ng komprehensibong kaalaman at kasanayan sa waste management.
Sila ang unang batch ng mga resource collector o mga palero sa Barangay Payatas na naging bahagi ng programa. Kapag nakuha na nila ang kanilang NC 1 certificate mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), maaari na silang mag-train ng iba pang residenteng nais maging eco-warrior tulad nila.
Malugod na binati ni Mayor Joy Belmonte ang mga nagsipagtapos, at binigyang-diin na kaagapay nila ang lokal na pamahalaan para matulungan silang umasenso at umunlad, at makamit ang kanilang mga pangarap.
Ipinahayag naman ni Mark Angelo Jacob, presidente ng Palerong Manggagawa ng Payatas, ang kaniyang pasasalamat sa lungsod na nagbigay ng oportunidad para sa kanya at kanyang pamilya.
Nakatanggap din ang mga bagong graduate ng personal protective equipment (PPEs) mula sa Department of Sanitation and Cleanup Works of Quezon City (DSQC).
Bukod sa training program, ang mga resource collector ay binigyan din ng iba-ibang pangkabuhayan programs tulad ng Small Income Generating Assistance (SIGA), livelihood skills training, at financial literacy workshop.
Dumalo sa graduation ceremony sina Public Employment Service Office (PESO) Head Rogelio Reyes, DSQC Head Richard Santuile, Barangay Payatas Chairperson Rascal Doctor, Elma Ocrisma ng Social Services Development Department (SSDD), at QC Training and Assessment Center (QCTAC) Supervising Administrative Officer Carmel Tordesillas.