Nakipagpulong ang Quezon City government sa mga benepisyaryo ng programang palupa sa Barangay Payatas para linawin ang kasalukuyang status sa pag-aayos ng titulo ng kani-kanilang lote.
Ipinaliwanag ni Mayor Joy Belmonte na hinihintay na lamang ng lungsod ang mga segregated na titulo mula sa Registry of Deeds para tuluyan nang magkaroon ng pormal na pagpirma ng Contract to Sell/ Deed of Absolute Sale sa pagitan ng lokal na pamahalaan at mga benepisyaryo.
Noong isang buwan pa naipasa sa nasabing ahensya ang transfer certificate ng mga lote na binili ng lungsod mula sa Kanejin Corporation.
August 2020 lumagda ng Deed of Sale ang QC Government at Kanejin para mabili na ng lungsod ang lupa mula sa korporasyon na may lawak na 70,787 square meters na kinatitirikan ng bahay ng aabot sa 1,200 pamilya.
Bukod kay Mayor Joy, kasama rin sa mga nakipagdayalogo sa mga benepisyaryo sina Coun. Mikey Belmonte, Housing Community Development, and Resettlement Department Head Ramon Asprer, former councilor Godie Liban at Mr. Dave Valmocina.














