Opisyal nang binuksan ng Quezon City Police District (QCPD) ang Pat Baggay Lounge sa Camp Karingal, na pagkilala sa kabayanihan at katapangan ni QCPD Patrolman Curtney Harwin Baggay.
Noong isang taon, nasawi si Baggay habang rumeresponde sa isang robbery hold-up incident sa Barangay Commonwealth.
Dumalo si Mayor Joy Belmonte sa programa, kasama si QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio, at mga kaanak ni Patrolman Baggay.
Bukod dito, nakiisa rin si Mayor Joy sa groundbreaking ceremony ng QCPD Heroes Wall na pagkilala sa mga pulis na nagpamalas ng katapangan, serbisyo, at katapatan sa kanilang tungkulin.
Binigyan naman ng Medalya ng Sugatang Magiting ang 20 QCPD police officers na nasugatan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Ibinigay na rin sa iba-ibang QCPD departments ang mga kagamitan na magpapalakas pa sa kanilang serbisyo at paglilingkod, gaya ng Search and Rescue equipment, at laptops at printer.
Kasabay nito, itinurnover na rin ang tulong sa mga pulis at kanilang pamilya, sa ilalim ng QCPD KIDS CARE program.










