Muling binuksan ang Culiat Bridge II sa kahabaan ng Congressional Avenue para sa pagdaan ng mga light vehicle matapos ang isinagawang inspeksyon nina Mayor Joy Belmonte at Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon.
Pansamantalang hindi pa rin pinapayagang dumaan ang mga bus at truck habang nagpapatuloy ang pagsusuri upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng motorista.
Matatandaang pansamantalang isinara ang tulay noong Hulyo 12 matapos ang sunog na sumiklab sa ilalim nito, na nakaapekto sa 38 pamilyang naninirahan sa lugar.
Patuloy na nakikipagtulungan ang Quezon City Government sa DPWH upang matiyak ang ligtas at maayos na paggamit ng tulay.
Pinapayuhan din ang mga motorista na sundin ang umiiral na traffic advisories at mga ipinatutupad na regulasyon habang nagpapatuloy ang mga kinakailangang pagsusuri at rehabilitasyon.










