Dumalo ang nasa 300 overseas Filipino workers (OFW) kasama ang kanilang pamilya sa idinaos na Ka-Kyusi Waging Pamilya Award Launch and Smart Child: E-Habilin orientation ng Public Employment Service Office (PESO).
Layon ng Ka-Kyusi Waging Pamilya Award na magbigay ng pagkilala sa mga natatangi at modelong QCitizen OFW at kanilang pamilya. Hango ang award sa Model OFW Family of the Year Award ng national government.
Nakinig naman ang mga dumalo sa orientation ng Smart Child: E-Habilin program. Layunin nitong gumabay sa mga maiiwang anak ng QCitizen OFWs.
May tatlong intervention phases ang Lungsod Quezon para sa mga benepisyaryo. Una na ang psychosocial support sa pamamagitan ng workshops at capacity building activities.
Pangalawa ang education services kabilang na ang tutorials, awareness campaigns, at values formation training sa mga kabataan. Ikatlo ay ang skills development program na magtuturo sa kanila ng iba-ibang programa sa sports development, arts and creatives, at life skills training.
Hinihimok din ng PESO ang mga dumalo na tangkilikin ang kanilang Community Parenting program, kung saan magsisilbi silang co-parents sa mga maiiwang anak ng mga OFWs.
Dinaluhan ito ni PESO Manager Rogelio Reyes kasama ang mga kaakibat na departamento ng Lungsod Quezon.