MAY BAGONG BIKE TRAIL SA QC!
Aabot sa 500 QCitizen bikers ang sabay-sabay na pumadyak sa kauna-unahang Katipunan Freedom Trail (KFT) na umikot sa limang historical sites sa Lungsod Quezon.
Bilang bahagi ng selebrasyon ng 84th founding anniversary ng QC, inorganisa ng Quezon City Tourism Department (QCTD) at Department of Public Order and Safety Green Transport Office (DPOS-GTO) ang KFT.
Layon nito na muling ipaalala sa mga QCitizen ang mga importanteng lugar at pangyayari sa lungsod noong panahon ng rebolusyon.
Suportado ng QC ang patuloy na paggamit ng bisikleta ng QCitizens. Bukod sa nakababawas ito sa polusyon para maproteksyunan ang kalikasan, malaki rin ang benepisyo nito sa kalusugan.
Nag-umpisa ang bike run sa Andres Bonifacio Shrine sa Balintawak, patungong Barangay Apolonio Samson, sa Cry of Pugad Lawin, at Melchora “Tandang Sora” Aquino National Shrine na dinaluhan ng mga kaanak ni Tandang Sora. Binaybay din nila ang Holy Parish Cross Church sa Barangay Krus na Ligas hanggang makapunta sa City Hall.
Nagbigay ng lecture ang QCTD sa bawat historical landmark. Nakatanggap naman ang mga sumaling siklista ng bike repair kits, helmet, at meals.
Dumalo sa event sina DPOS head Elmo DG. San Diego, DPOS-GTO Chief Cora Medes, Traffic and Transport Management Department OIC Dexter Cardenas, Assistant City Administrator (ACA) Alberto Kimpo, ACA Atty. Rene Grapilon, City Architect Department Arch. Lucille Chua, QCTD OIC Tetta Tirona, Market Development and Administration Department Action Officer for Administration Perry Dominguez, at Dr. Dave Vergara ng Office of the City Administrator.